
Nakumpiska ng Department of Trade Industry (DTI) ang mga produktong vape na may lasa na ipinagbabawal sa merkado.
Ayon sa ulat ni Maki Pulido sa “24 Oras,” nasabat ng DTI Consumer Protection Group ang halos lahat ng vape products na ibinebenta sa isang tindahan sa Sampaloc, Maynila.
Sa ilalim ng Republic Act 11900 o Vaporized Nicotine and Non-nicotine Regulation Act, mahigpit na ipinagbabawal ang mga produktong vape na may makulay na packaging gayundin ang mga may lasa tulad ng strawberry ice cream o watermelon bubble sugar.
“‘Pag flavored, bawal siya. Isa ring bawal na disenyo ng packaging ay talagang kaakit-akit sa mga menor de edad kung gumagamit ng mga kulay o cartoons,” ani DTI Consumer Protection Group Assistant Secretary Ann Claire Cabochan.
Hindi nagbigay ng pahayag ang may-ari ng vape shop, ngunit sinabi ng kanyang kamag-anak na kakabukas lang ng maliit na negosyo dalawang araw na ang nakakaraan
“We will have to implement the law even if it’s harsh. Ignorance of the law excuses no one,” ani Cabochan.
Binigyan din ng notice of violation ang may-ari ng vape shop at may dalawang araw para tumugon sa reklamo. Ang multa ay nagkakahalaga ng P100,000 sa unang paglabag, P200,000 sa pangalawa, at P400,000 sa ikatlong paglabag, at ang kasunod ay ang pagsasara ng negosyo.
Malaking hamon umano sa DTI ang pagbebenta ng vape products online, ngunit mahigpit nitong babantayan ang mga online platform